Sa Kawalan - Munting Tela ng Ligaya't Alindog.

2:27 PM PalamuninLang 5 Comments

Alas-nuebe ng gabi.

Napaka-lamig ng paligid.

Sa Kawalan.

Papunta ako sa gusali kung saan nagta-trabaho. Nag-lalakad at sa ilang segundo ay nasa opisina na ako. Alas-sais pa ng umaga ang uwian. Tama, Call Center. Isang lugar kung saan ang mga empleyado ay niroromansa ang buwan, kapalit ng pambayad Meralco, utang, diaper, pambili ng Siomai, masahista, mga babaeng gumagawa ng kababalaghan, at marami pang mga bagay. Para kaming mga nagbebenta ng saya, call boys/girls - sa gabi gumigiling, sa umaga ay nahihimbing.

Kaka-pasok ko palang. Sinalubong ako ni chief para mag-inspect ng bag. Si chief nga pala ang security guard ng kumpanya. 'Pag lagpas ko sa kanya - matapos ang ilang yapak, ay di na ako mapakali. Wala na si chief sa paningin ko, wala nang nagbabantay sa'kin. Kailangan kong mag-patuloy sa elevator, mag-isa. Sana ay may mga kasabay.

Kaso wala.

Pakiramdam ko ay may sumusunod sa aking di ko nakikita. Para bang naka-kubli sa hangin - kanina pa, mula Sa Kawalan.

Napaka-lamig ng paligid.

Tang-ina, kinakabahan na'ko.
Nasa loob ng elevator, mag-isa. Ako lang ang matter.

Nakaka-praning ang mag-tago, miski hindi ko alam kung kanino. Para bang nasa bingit ng di malamang elemento ang seguridad ko.

Bahala na si Batman.

Pag-akyat ng elevator na 'to sa 4th floor, apat na tumbling nalang ang layo ng opisina namin. Ang sarap isipin.

Pindot, pindot, pindot. Tadtarin ng pindot.

Hindi ko alam kung bibilis ang pag-akyat ng elevator kapag tinadtad ko ng pindot ang number 4. Nagbabaka-sakali lang naman, baka bumilis ang walangya. Konting tiis pa, dadaloy din ang ginhawa. Makakapasok na sa sariling opisina, kung saan ligtas mula sa kanya, sa kanila - mga bagay na di ko nakikita.

Apat na tumbling.

Pag-silip sa salamin, nakita ko sa loob sina boss at mga kasamahan. Papasok na'ko.

Hindi ko gustong may kasama at mas madalas ay makikita mo kong mag-isang nag-tatrabaho sa harapan ng PC. Mas sanay akong kapiling ang musika kaysa sa kanila. Pero para lang sa pagkakataong ito, ayaw ko munang lumayo mula sa mga ka-trabaho.

Sa wakas, ligtas na - kahit papaano.

Ligtas. Pero kung aabutin ka nga lang ng dalawang kilong kamalasan, makalipas ang ilang minuto ay dumating ang oras ng break. Hindi maiiwasan ang pag-alis nila para humithit ng yosi - at hindi ako nag-yoyosi.

Maiiwan ako, tangama. Kailangan kong gumawa ng paraan para makahanap ng ibang lugar na mapag-tataguan. Kailangang maghanap, mag-lakad. Baka nasa paligid lang siya, o sila. Kinakabahan na naman ako. Shutang-inamesh.

Napaka-lamig ng paligid.

Habang naglalakad, di ko mapigilang maramdaman ang mga matang sumusunod sa akin. Pilit akong nagmamadali, lahat ng naka-salubong ay hindi ko na binati.

Hindi naman ako suplado. Gaya mo, mas nalalapit ang hitsura ko sa Koko Crunch kaysa kay Coco Martin. Sa madaling salita, hindi ako gwapo - gaya mo pa din. Sadyang nakakapag-pabagabag lang ang mga oras kagaya nito kaya kailangan ko agad mag-hanap ng lugar kung saan ako pansamantalang makakakita ng kapayapaan. Nakakapag-pabagabag din na kahit sa isip mo lang binabasa ang 'nakakapag-pabagabag', nabubulol ka pa din.

Napaka-lamig ng paligid.

Banyo. Labinlimang hakbang mula dito ay may banyo. Mukhang kahit papaano ay ligtas ako sa loob ng kasilyas.

I-jijinggel ko muna lahat ng kabang nararamdaman ko. Sa isip ko ay di ko pa rin maunawaan ang mga bagay na gumagambala sa akin. Pumapatak ang bawat segundo, kasabay ay nauubos na din ang ihi ko. Kaunti nalang at kakailanganin ko nang umalis ng dito, muling maglakad kasabay ng mga aninong pinagtataguan ko. Ubos na ang ihi ko, tapos ko nang pagpagin ang mga bagay na dapat pag-pagin habang nakatingin sa kisame ng building. Ubos na ang patak at nakapag-tago na din ang dragon, pero ang nararamdaman ko.. di ko maitago.

Andyan na siya. Andyan na sila. Ayokong abutin dito ng umaga. Miski pa puno ng pangamba, ang trono ay lilisanin na.

Sapat na ang sandaling nai-tahan ko dito, paalam banyo.

Napaka-lamig ng paligid.

Lakas loob akong lumabas ng banyo, muling tumakbo sa kung saan man pwede maging kampante.

Tangina! Fire Exit! Ang banal na pintong hindi pwedeng hawakan miski pa sinong empleyado, pwera na lang kung kung may drill ang opisina at gusto mag-ingay. Dito lang ako ligtas, maaaring di nila ako hahanapin dito. Ng mga elementong pinagtataguan ko.

So, dito nalang muna ako. Fire Exit. Mukhang wala namang hudas na pipiliing tumambay dito maliban sakin. Napakadilim, ang tanging ilaw lang ay ang liwanag na dala ng munting uwang sa pintuan. Binibilang ko ang mga segundo, hanggang sa maging minuto't ubusin ang mga nalalabing oras ko. Panandaliang kalmado ang mga bagay, gayunpaman ay giniginaw pa din ako.

Mula sa munting puwang ng liwanag ay may narinig akong boses..

'Bongga!', sigaw ng bakla kong ka-trabaho nang makita niya ako sa loob ng Fire Exit.

Nagulat ako.

Sa kaba, muli akong tumakbo at kumaripas papalayo. Maaaring isa siya sa mga elemento.. Takbo. Papalayo.

Napaka-lamig ng paligid.

Lumipas ang oras, mag-isa. Sa wakas, uwian na.

Agad kong hinanap ang mga labasan, ang mga pinto. Ang elevator pababa sa Ground Floor. Nakita ko si chief, buong pag-mamadali kong pinakita ang laman ng bag ko para sa inspection. Makakalayas na ko sa lugar na 'to! Matatakasan ang mga mata't, maginaw na paligid.




Alas-sais na ng umaga, nakikita ko na ang sikat ng araw at ang takot na nararamdaman ko ay dahan-dahang na-convert sa saya. Pucha, uwing-uwi na ko.

Napaka-lamig ng paligid.

Pag-dating sa bahay, agad akong umakyat sa kwarto.

Wala na ang pakiramdam ng mga matang sumusunod.
Wala na din ang lamig sa paligid.

Tang-ina, ang hirap pala pag nabutasan ka ng pantalon sa bandang birdie.
Habang napa-praning ka sa mga matang nakatingin sa'yo, napakalamig din dahil tumatagos sa Carter brief ang hangin. Parang erkon, buti nalang nakauwi na. Di ko malilimutan ang mga nangyari kagabi. Napakalamig..

 Rakenrol.


____
Halaw sa mga tunay na pangyayari sa buhay ni Pal



Salamat sa pagbabasa. Para sa mga suhestyon at reklamo, marapat lamang na maglagay ng mga hinaing sa ibaba (Comments Section). Yung mga gusto mag-rekwes ng topic, nasa baba ang link ng Facebook account ko. Balik kayo next week!

I-share sa mga may balak kitilin ang sariling buhay at wala nang makitang kasiyahan.
Pag-ibig Ang Lunas.

-Pal
FB | Photography




5 comments: