Palaplap Origins: The Last Hair Strand

11:43 PM PalamuninLang 4 Comments

4.06.2014
Davao

Nau-utot ako.

Tumatagos sa munting yero ng boarding house ko ang pagpapa-pansin ng araw. Kuma-kaway mula sa labas ng bintanang yari sa palotsina.

Mala-turbo broiler ang kwarto kanina, mamen.

Nandoon lang ako. Parang manok na ayaw lumambot sa loob ng turbo broiler, number 4. Ramdam ko ang pawis na tumutulo mula sa malapad kong noo, dumadaloy at dinidiligan ang pundang unan - na kalaunan ay magiging isang mapa ng nabuong pawis, luha, at paminsan-minsang laway. Tak-takan mo lang ng asin, paminta, at kaunting Aji-no-moto, pwede mo na akong gawing sawsawan ng kropek. Sa mga nagtataka, hindi po ako mahilig gumamit ng bentilador. Pakiramdam ko kasi, isang kilo ng alikabok ang ina-almusal ko sa tagal nang panahon mula nung huli kong linisin yun. Kapag dumikit ka sa electric fan ko, para ka na ding nagpa-henna tattoo.

Kung magkaka-girlfriend ako ngayong taon, dapat marunong mag-baklas ng electric fan, at maglinis nito.
Pre-requisite yun.

Tinalo ako ng turbo broiler. Ayokong mamatay sa heat stroke, masyadong tunog-mayaman para sa hitsura ko. Kalaunan ay sumuko din ako at nag-pasyang bumangon bago pa man himatayin. Wala na'kong nagawa kundi ang maligo, lumabas ng boarding house, at magpa-erkon sa mall. Isang tumbling lang naman kasi ang distansya ng mall mula sa boarding house na tinutuluyan ko. Hanggang ngayon ay nandito, sa paborito kong bilihan ng kape, muling gagahasain ang isip kong tamad, para lang mag-sulat - Palaplap.

Noong isang linggo, na-feature/napag-tripan ako ng ka-trabaho/blogger na si Noel Yulo sa kanyang awesome blog. *Flattered*/*Sabog Confetti* Si Noel Yulo ang Batman ng Training Department sa opisina namin. Kung hanap mo ay matinong babasahin, subukan mong bisitahin ang blog niya't madami kang matututunang aral.


(BABALA: Siguraduhing sapat ang supply ng tissueng baon mo. English, brad.)



Sa blog niya, naitanong kung saan ba galing ang palayaw kong, 'Pal'.

Sa mga di po nakaka-alam, ang tunay ko pong pangalan ay 'Alvin'. Sabi ni ermats, halaw ang pangalan ko sa sikat na basketbolero/artista noong early 90's. Maputing lalaki at alas ng Purefoods, MVP at mataas tumalon. Malas lang at hindi ako magaling mag-basketball, lalong hindi din ako mukhang artista. Hawig ko daw si Derek Ramsey, sabi nung huling taong nangutang ng pera sakin.




Kukunin ko na din ang pagkaka-taon para ipakilala ang sarili ko.

Matagal na din akong nagsusulat at oras na siguro para miski papaano ay magbukas ako ng bahagi ng napaka-simple kong buhay. Medyo Narcissistic, kaya paumanhin.
______________________________________________


Disclaimer na wala sa lugar: Self-centered ang blog post na 'to.

Kung 'magkaibigan' tayo sa Facebook, marahil ay alam mong 'Palamunin Lang' ang pangalan ko. Palamunin, 'Pal' for short.

Sa isang munting pamantasang sa Muntinlupa ako nag-aral. Sa mga matagal nang nag-tatanong, hindi ako nag-aral ng Journalism o anupamang may kinalaman sa pag-susulat. Pero tambay ako sa kwarto ng grupo ng publikasyon ng campus, at hilig ko ang magbasa, lalo na ng mga akda ni Jun Cruz Reyes (sumulat ng maikling kwentong 'Utos ng Hari'). BS-Psychology po ang kursong tinapos ko; kurso ng pilosopo, baliw, at mga manghuhula, sabi ng nanay ko. Grumadweyt ako ng hayskul kasama ang mga elitista, nakaka-OP. Sa kolehiyo naman, either dukhang matalino/magaling sa sports, pinipilit para sa diploma, tangang mayaman na nagtitipid, fanatic ni Freud, o Jejemon ang kaklase ko - pili ka lang sa lima. Sa limang taon sa Sikolohiya at tatlong OJT setting, isang bagay lang ang natutunan ko:

Mas malaking mental hospital lang ang labas ng mental hospital.

Swerte pa din sa Pamantasan. Ang tuition sa pamantasang ito ay sagot ng gobyerno kahit papaano. Sa isang buong sem ay 1,300 Php lang binabayaran ko. Para makapasok, sasakay ka ng tricycle, jeep, jeep ulit, lalakad ng sampung minuto sa ilalim ng tanghaling mas tapat pa sa boypren mo, at mamumuhay kasama ng mga kaklaseng karamihan ay working student din. Mga kabataang alam ang importansya ng sakripisyo para sa edukasyon. Mga estudyanteng halos gustong manapak kapag walang klase, lalo na kung irregular. Yung mga silid aralan, malalaki ang bintana, sira kasi ang mga bentilador. Kung totopakin mang gumana ay parang anesthesia lang - wala kang mararamdaman. Maaawa ka din sa mga kaklase mong kasabay mong pumasok nang alas-siyete ng umaga, at mag-aalmusal ng alas tres ng hapon - para lang makapag-tipid. Namulat ako sa kamalayan ng mga uri ng lipunan, at naging interesado sa mga asignaturang wala sa loob ng silid aralan. Sa murang edad, naging abala ako sa pag-tuklas ng mga kilusang nais mag-hain ng pag-babago, dulot na din ng guro ko sa Sikolohiya ng mga Pilipino. 

Naranasan ko ang sumama sa paborito kong guro sa isang 'field trip' sa malayo. Maglakad sa dilim nang naka-piring, habang may mga kalalakihang nag-kakasa ng baril at bumubulong sa hangin na kapag hindi ako nag-tino, pwedeng-pwede akong i-tumba sa dilim. Lahat ng santo, dadasalan mo. Kung di ka marunong matakot ay mararanasan mong matakot. Rakenrol lang, kaya hanggang ngayon ay buhay pa.

Walang mapag-libangan sa lugar na ito kundi libro, sandok, radyo at gitara. Pwede nga ang cellphone, pero bawal naman i-on. Dito, naranasan ko ang kumatay at ng mga hayop na kailangan mong maging kalaro ng mataya-taya bago mo pa mailuto. Namatay ka na sa gutom bago ka pa hingalin. Payak ang pamumuhay sa munting komunidad. Walang lamangan sa isa't-isa at lahat ay may pagkain sa hapag.

Sumapit ang gabi. Patay na dapat ang mga ilaw. Walang pwedeng lumabas nang walang pahintulot ng mga katoto. Maraming mata sa labas. Delikado. Wala akong nagawa kundi kunin ang radyo (walkman), at maghanap ng pwedeng mapakinggan. Hindi ako sanay na matulog ng maaga.

Sina Tado, Ramon, at 'Erning' ay mga DJ sa radyo noon para sa isang himpilan ng radyo tuwing gabi, alas-9 hanggang madaling araw. Kolektibo silang kilala bilang 'BrewRATS'. Matatas at may kahulugan ang mga salita ni Tado sa radyo. Naging interesado ako sa kasaysayan niya, at sintang paaralan ng PUP. Nang makabalik ako sa patag matapos ang dalawang gabi sa field trip, ay hinanap ko agad siya - at natunton ko kung saan ang pinagtatrabahuhan niyang istasyon ng radyo - sa Boni, EDSA.

BrewRATS. Photo by Chicco Orange


Naging 'achoy' ako ni Tado sa sandaling panahon, kasama ang iba pang mga kabataang nakilala ko din mula sa mga kabarkada niya. Kahit papaano, naging taga-bili ng pandesal, taga-tawag kay 'Boyong' (Service Tech sa istasyon ng Radyo), at taga-pakinig ng kwentong PUP niya pag-tapos ng programa nila, lalo na kapag tinatamad pa siyang umuwi. Paminsan-minsan din akong nabibiyayaan ng mga perks gaya ng libreng CD, produkto mula sa mga guest, at ticket sa mga events. Napakasaya kasama ni Tado, hindi mo iisiping artista siya. Parang kapitbahay mo lang at kakilala.

Masaya na ko noon kapag nabasa ng BrewRATS ang papel ng mga pabati ko sa radyo. Sa unang beses na humiling ako kung pwedeng batiin ang mga kaibigan ko sa Pamantasan, isinulat kong 'Hello to all students of PLMUN.' (Ang ibig sabihin ng PLMun ay Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa) Pero dahil si Tado ang nag-basa, ang nasabi niya ay PALAMUN.

Doon nag-simula ang bansag na Palamunin. Kahit negatibo ang konotasyon, ipinagmamalaki kong si Tado ang nag-bigay sakin ng pangalang hanggang ngayon ay di ko binibitawan.

Sa bahay, ang pangalan ko ay 'Abby' kapag may pabor sila, 'Albino' naman kapag may utos. Sa opisina at mga katrabahong modelo, photographer at cosplayer, 'Pal' ang tawag sa akin ng lahat.

Ang sakit na talaga ng tiyan ko, ijejebs ko nalang muna 'to.

Uwi na ko. Kita-kits bukas, Manila.


_________________________


Salamat sa pagbabasa. Para sa mga suhestyon at reklamo, marapat lamang na maglagay ng mga hinaing sa ibaba (Comments Section). Yung mga gusto mag-rekwes ng topic, nasa baba ang link ng Facebook account ko. Balik kayo next week!

I-share sa mga may balak kitilin ang sariling buhay at wala nang makitang kasiyahan.
Pag-ibig Ang Lunas.


-Pal




4 comments: