Ang Huling Palaplap.

10:51 PM PalamuninLang 13 Comments

8.29.12
   Dumadating. Nag-lalaho. 

   Napaka-drama ng setting ng buhay ko ngayon. Buti nalang at walang lubid at mababa ang kisame ng opisina namin.

   Pero nagsusulat ako, mamaya ko na ipagluluksa ulit ang mga bagay. Ako ay nasa loob ng opisina, sinusubukang kainin ang oras sa mga literaturang di mo pipiliing mabasa. Mas okay na 'tong tahimik akong nagtatype dito. Parang ampangit naman kasi  kung dito ako hahagulgol. Mukhang tanga lang. Ang laki kong tao.

   Simulan na natin ang blog entry ko...

 Ang Huling Palaplap.

   Dalawang taon. Walang kasama. Walang Inspirasyon. Walang blog. 



Wala na akong gana magsulat.
  
  Sa bawat umaga ay hinahanap ko ang amoy ng shampoo mo sa balikat ko. Lalo na sa mga panahong nag-iisa ako sa bus. Gumigising ako sa Magallanes na ginugunita ka. Naaalala mo pa kaya ako?

   Napakadalang ng saya. Parang pag-aabang ng negrang white lady sa gabi. Ganun katumal, pare.

   Kung pwedeng i-rewind ang buhay ko, uulit-ulitin ko yung panahong naging magkasintahan tayo. Babalikan ko lahat ng mga panahong masaya. Mga panahong tatlong oras ako bumabyahe para makasama ka. Mga panahong pwede kong sabihing sulit ang mga pamasaheng ginastos ko. Mga panahong uuwi akong nakangiti sa jeep, magtetext - 'Malapit na po ako, Alabang na. Matulog ka na. I love you.'

   Madami din naman akong pinangarap para sa ating dalawa.

   At sa di ko maipaliwanag na dahilan, nag-iipon pa rin ako. Pinapangarap ko pa ding bumangon sa umaga at kumain ng kaning isinaing mo. Ang makita kang natutulog muli sa dibdib ko. Ang pakasalan ka sa isang simbahan para tuparin ang mga pangarap mong set-up, miski pa skeptic ako. Lahat para sa'yo, lulunukin ko. 


   Ako kasi yung tipo ng tao na basag ulo. Pero sa tuwing andyan ka na, goodboy na ko. Kung alam mo lang. Lagi mong sinasabi na matalino ako. Pero mali ka. Ang laking tanga ko nung pinakawalan kita. 

   Gusto ko hawakan muli ang kamay mo. Napakaliit. Cute. Lagi kong inaakala na ang espasyo sa mga daliri mo'y nakalaan para sa mga daliri ko. Yun din ang dahilan kung bakit kita niyayaya lumabas ng mga nakaraan buwan, gusto ko hawakan yung kamay mo. Kaso bumibitiw ka... bumitiw ka. Simple lang naman ang gusto ko di'ba? Hahawakan ko lang naman yung kamay mo. Kung nakuha na yan ng boyfriend mo, ipakita niya sakin yung resibo. LOL. :D 

   Kamusta na kaya yung aso niyo? Pati yun namimiss ko. Pero ang pinaka-gusto ko sa lahat ay kapag sabay tayong kumakain sa mesa. Ang takaw mo pala. Half-rice ako, apat sayo. Pero ayos lang yun, mahal naman kita. At kahit magsaing ka ng dalawang tabong bigas, sasabayan kita kumain - makasama lang kita. Miski sa isang huling beses pa.

   Naaalala ko pa ang mga yakap mo sa tiyan ko mula sa likod kapag naghuhugas ako ng plato. Hahalikan kita sa noo at hahalikan mo ko sa lips. PBB TEENS. Wala na rin naman akong pake sa sasabihin ng mga nakabasa nito. Ang mahalaga, masaya tayo - noon.




    Di ka naman kasi matutuwa kung malalaman mong gabi-gabi akong nangungulila at malungkot dahil sa'yo. At ayon sa pagkakatanda ko, di pa ko umiiyak sa harap mo. Iyakin ka kasi. Baka mag-iyakan tayo't magmukhang workshop ang kwarto. Pero di bale. Nakaraan na ang lahat. Sana ay alam mo na tumitigil ang mundo, sa tuwing binubuo ng labi mo ang mga pantig ng pangalan ko. Ngayon, nagsusumamo. Marinig lang ang boses mo.




   Umiikot. Nahihilo. Nasusuka. Pakiusap. Banggitin mo ang pangalan ko. Bumibilis muli ang takbo ng mundo. Nilulunod ko nalang ang sarili ko sa musika, pagka't nakakabingi ang himig ng pag-iisa. Sumigaw man ako sa kawalan, di ako didinggin ng mga bathala -   ako nalang siguro ang bahala.

   Pilitin man nating bumitiw, laging may isang nagtetext. Nakikiramdam. Pero noong mga nagdaang araw, wala na. Parang ako nalang ang umaasa.


   Siguro isang araw makikita mo ko. May kasamang iba pagkatapos tanggaping wala ka na talaga. At sana, sa panahong yun, di mo maramdaman ang mga bagay na nararamdaman ko ngayon. Sana masaya ka. Kahit pa ang kasiyahang iyon ay bigay na ng iba. 

    Ang totoo? Natatakot ako na malimot mo. Kagaya ng lahat ng kasaysayang nabasa ko. Laging nalilimot ng mga tao. 

   Minsan sa pag-ihi ko, pumasok 'to sa isip ko:



   Eto na ba yun? Ang resulta ng mga dasal mo at mga kandilang itinirik sa simbahan ng Baclaran para sa ating dalawa? Miski siguro mga Poon, wala nang magagawa. Sa iba ka na nila ipinaubaya.  

  Ang huling natitirang paraan, ay tanggapin ang medalya ng kabiguan.


   I'm just Pal. I'm not rich. Bulatlatin mo pa yung wallet ko. Bukod sa mga gulanit na sikwenta pesos ko, ang tanging yamang natitira ay ang larawan mo. Wala akong tsikot. Pero lahat ng pangarap ko sa hinaharap - sa ating dalawa umiikot.



    Patawad nga pala sa mga nag-abang ng mga Palaplap post. Biglang nawala. Sadyang payak ang mundong ginagalawan ko ngayon. Puro kumpitensya, walang emosyon, nakawawalang gana. Ano bang ideya ang pwedeng ibigay ng maiingay na telepono? At paano ako susulat ng masaya, kung mismong ako ay di maramdaman ang mga emosyong ito? When I write, I don't want my piece to be perfect - I just want it to be true. At aaminin kong sobrang nawalan na ko nang gana sumulat. Wala nang nagpapasaya, kumbaga sa bulaklak - nalalanta na. Binura ko na lahat ng mga sulat na nagawa ko noon. Pasensya na..



   Over the years, the humor and wit of my posts are gradually eating their own souls. I became someone else. But I want to thank everyone who supported 'PALAPLAP'. Just be reminded that life is unfair for everyone. And that makes it fair on contrary. Kung ako lang ang papapiliin, gaya niyo - gusto ko kami pa din. Pero di ganun ang buhay. Ang tunay na pag-ibig ay di madamot. Ang pag-ibig ay ginagawa at inaalagaan. Di ito ginagawang paksa sa diskurso ng kaisipan.


   Masyado na 'tong mahaba. Nakatatamad nang basahin. Tatapusin ko nalang gamit ang mga limitadong salitang kaya ipaunawa ang diwa. Dito na din ako magpapaalam sa lahat ng sumubaybay. At sa dalawang taon, naghintay. Sana ay wag niyong isipin na ito ay mali niya. Lahat ng ito - sablay ko talaga.


   Di ko alam kung ilan ang bayag ni Doreamon. Di ko din alam kung ilang kilo ng GLUTHA  ang kailangang papakin para matanggap na white lady. Di ko din alam kung anong pwedeng ipalit sa back program kapag pumunta ka sa suking gym kung kuba ka. Ang alam ko lang...


   Mahal kita.




Di porke di mo na nakikita ang mga luha niya, hindi na siya nasasaktan.
May itatanong ako sa'yo. Paano mo ako nakalimutan? Ano ang sikreto mo? Matulog ka na, pag gising mo.. baka mahal pa din kita.




Credits to:













You Might Also Like

13 comments:

  1. Awwe ~ Ramdam ko tong post na to...

    ReplyDelete
  2. ngayon lang ulit ako nakabasa ng blogpost mo since last year or last 2 years yata...

    nakakaiyak... pero kahit papaano andun pa din ang trace ng humor ng mga post mo dati...

    #5, . Umiyak ka sa harap nila. Tapos umutot ka. Unbreakable couple formula ko yan. Pero di ko ginagawa.

    ReplyDelete
  3. yung naiyak-iyak talaga ako, kasi fan ako ng labteam nyo,lalo na nung first time ko kayo ma-meet sa Ozine at binakuran mo sya! XD :| pati na mga sea side moments!

    alam ko din na gutom na yung mga FISHDA mo dito Pal, kaya pinakain ko sila!Promise!



    ReplyDelete
  4. pk lang iyan. i hope u can move on soon kuya pal. nandito lang kami. gagabay sa iyo. :)

    ReplyDelete
  5. Alam ko makakabalik ka pa. Isa, dalawa, tatlong taon.. hindi magbibilang ka pa ng taon. pero makakabalik ka pa.

    ReplyDelete
  6. namiss ko magbasa ng blogs dito.

    ReplyDelete
  7. this post feels nostalgic for some reason, haha. Mamimiss ko blog posts mo Kuya.

    ReplyDelete
  8. Darn it pal, natanggal ang antok ko pagkatpos ko basahin ito.. >.<
    Not quite sure to myself kung maiiyak ako o ewan...
    ~ mits

    ReplyDelete
  9. Isa kang tunay na lalaki Kuya Pal! I'm so proud of you.

    Strong people make as many mistakes as weak ones do. But the strong ones admit their mistakes and learn from it ;)

    ReplyDelete
  10. Hindi 3 years ang rape.Rape, people, under Art. 266-A of the RPC, is punishable by reclusion perpetua. If committed under certain circumstances (with a deadly weapon, the victim dies or becomes insane, etc.) it becomes reclusion perpetua to death.

    ReplyDelete
  11. pwede naman ibalik ang nawala :3 pwede naman damputin ang binitawan :v di mo pa kaya lunukin wag ka magtago sa dilim...

    ReplyDelete
  12. Npagdaanan ko na yan.. may mga bagay nanhindi para sayo. Dahil may nkalaan talaga na para sayo.. hindi man to ngayon o bukas makalawa ang mahalaga ay ngmamahal sayo , mga kaibigan mo at pamilya.. pagngkaasawa kana malalaman mo nalang na maraming babae dyan na ngkalat. Kaya lang pag inlove ka talaga sa kanya lang talaga ang iyong mata at utak.. kasama pala ang Puso.. makakamove on ka din.. iyak mo nalang yan mawawala din yan ng hindi mo namamalayan.. Pal, inom tayo!

    ReplyDelete